Indigenous community sa Davao del Norte, inatake ng umano'y NPA, ayon sa militar

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 06:43 PM

KAPALONG, Davao del Norte - Isang indigenous community ang inatake ng mga umano'y miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Gupitan sa bayan na ito Martes, ayon sa isang military official.

Ayon kay Capt. Jerry Lamosao, spokesperson ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, umaga ng umatake ang mga rebelde sa nasabing komunidad sa Sitio Tapayanon kaya't rumesponde ang militar.

Makalipas ang 5 minuto na palitan ng putok, tumakas umano ang mga rebelde.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa panig ng militar o residente dahil sa insidente. Nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng militar laban sa NPA matapos ang insidente.

Saad ni Lamosao, ang ginawang pag-aatake ng NPA ay taliwas sa pahayag ng kanilang lider na si Joma Sison, na tumanggap sa naunang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng ceasefire sa pagitan ng mga rebelde at ng pamahalaan.

Ayon kay Sison, irerekomenda niya ang ceasefire sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at sa mga kaakibat nitong mga grupo sa bansa para mabantayan ang kalusugan ng mga miyembro nito. 

Matatandaang nanawagan si Duterte ng ceasefire sa mga rebelde matapos ianunsiyo ang "enhanced community quarantine" sa Luzon dahil sa krisis sa bansa dala ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.