Holdaper patay sa engkwentro sa Caloocan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 05:26 AM

Isang hindi pa nakikilalang holdaper ang napatay matapos makabarilan ang mga pulis sa Barangay 171, North Caloocan nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa biktimang si "Mary" na isang negosyante, nag-withdraw siya ng nasa P390,000 dahil plano nilang bumili ng maliit na truck para sa kanyang negosyo. Nagbebenta sila ng mga saging. 

Alas-8 kagabi nang kumakain sila ng kanyang asawa sa gilid ng kalsada at doon sila tinutukan ng baril ng dalawang suspek.

Tinangay ng suspek ang kanyang pera at maging ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P40,000. Kalaunan ay nakita ng mga biktima na inabot ng mga suspek ang nakaw na bag sa isa pa nilang kasamahan.

Tsempong rumoronda ang mga pulis nang hingan sila ng tulong ng mga biktima. Naabutan ang isa sa mga suspek na kinilalang si alyas Michael, residente sa lugar at kakilala ng mga biktima.

Kalaunan ay may nagsumbong rin sa kinaroroonan ng dalawa pang suspek at nang matunton ng mga pulis ay doon nagkapalitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig at nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga suspek.

Itinanggi naman ng naarestong lalaki na may kinalaman siya sa nasabing krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.