PatrolPH

Food vouchers sinimulan nang ipamigay sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 01:46 PM | Updated as of Mar 24 2020 07:29 PM

Watch more on iWantTFC

Inumpisahan na ng pamahalaang lokal ng Valenzuela ang pamimigay ng food voucher sa mahihirap na pamilya sa lungsod.

Nag-door-to-door ang mga health worker sa pamimigay ng voucher sa "low-income families," na bumubuo sa 80 porsiyento ng populasyon ng Valenzuela. 

Target umano ng local government unit (LGU) na mabigyan ng food voucher ang nasa 105,000 pamilya sa unang pamamahagi nito.

Magagamit ang voucher sa pag-claim ng food packs na ibibigay sa 23 emergency stations na nakakalat sa Valenzuela. Sa Miyerkoles sisimulan ang pagbibigay ng food packs. 

May nakatakdang oras at petsa ang pag-claim sa food packs para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at mapraktis ang social distancing, ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.

Ang kada food pack ay may lamang bigas, noodles, mga de-lata, asukal, at energy drinks.

Ayon kay Gatchalian, unang tranche pa lang ito ng pamimigay ng tulong sa kanilang mga residente dahil inihahanda pa ang iba pang supply.

Target ng Valenzuela LGU na makapamigay ng 105,000 food packs hanggang Biyernes.

Kasalukuyang umiiral ang lockdown sa buong Luzon bilang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19. -- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.