Donated test kits parating na sa PH: FDA chief

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 05:01 PM | Updated as of Mar 24 2020 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Unti-unti nang dumadating sa Pilipinas ang mga coronavirus disease (COVID-19) test kit mula sa ibang bansa, ayon sa tagapamuno ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, dumating sa bansa noong Lunes ang 100,000 test kit mula China.

May paparating pang 3,000 mula Singapore at may iba pang naghayag na gustong tumulong sa pagkuha ng test kits.

Kahit hindi pare-pareho ng brand, nilinaw ni Domingo na ang mga test kit na na-donate ay PCR-based test kits o iyong ginagamitan ng makina ng laboratoryo.

Iba ang PCR-based text kit sa mga "instant test kit" na madalas iniisip ng pibliko.

"Itong mga PCR test kits na ginagamit natin, ang dine-detect nila 'yong virus... 'yong instant test kits, ang dine-detect nila 'yong antibody," paliwanag ni Domingo.

Sa mga instant test kit din umano kadalasang nangyayari iyong "false negative."

"'Yan 'yong mga nagiging false negative. Infected ka na, may virus ka sa katawan pero since hindi virus ang hinahanap niya, wala kang antibody, negative ka," paliwanag ni Domingo.

Bukod sa mga donated test kit, patuloy ding sumasailalim sa validation ang mga test kit na ginawa ng mga Filipino scientist mula sa University of the Philippines.

Sa oras na ma-validate, malaki umano ang maiaambag nito sa gagawing test sa iba-ibang panig sa bansa.

Nitong Martes, pumalo na sa higit 500 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, base sa tala ng Department of Health. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.