COVID-19 outbreak: Hotel planong gawing 'PUI center' sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 04:07 PM

PUERTO PRINCESA, Palawan - Planong maglaan ng hotel ang siyudad na ito para sa mga persons under investigation bunsod ng banta sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa kanilang lokal na pamahalaan. 

Ayon kay Mayor Lucilo Bayron, inaayos na ang kontrata sa pagitan ng City Government at isang private hotel na magsisilbi umanong "PUI Center." 

"Ito’y papatakbuhin ng City Health Office assisted ng Palawan Medical Society, ng nurses association at mga pribadong sector. Ngayong araw na ito ay naghahanda na ang mga nasabi kong mga ahensya upang ma-manage na itong ating PUI center,” ayon kay Bayron. 

Maglalaan din ng hiwalay na hotel ang lokal na pamahalaan para sa frontliners.

Gagawin ang pasilidad para rin maproteksyunan ang mga pamilya ng mga frontliner, ayon kay City Information Officer Richard Ligad. 

"Para mapangalagaan din yung mga pamilya nila, 'yong mga frontliners natin kasi nangangamba rin sila dahil sa tuwing uuwi sila syempre yung kaligtasan rin ng kanilang pamilya ang iniisip nila,” ani Ligad. 

"At pangalawa, doon para sigurado pagka biglang kailangan natin sila ay alam natin kung saan sila talaga kaagad makukuha," dagdag niya. 

Bibigyan din ng P300 meal allowance ang mga nasabing frontliner. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.