Caloocan drug bust: P340-K 'shabu' nasamsam, 3 timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 01:11 PM

Aabot sa tinatayang P340,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 3 taong naaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City noong Lunes.

Nasa edad 24 hanggang 39 ang mga suspek at dalawa sa kanila ay kabilang sa drugs watch-list ng mga awtoridad, ayon sa ulat mula sa National Capital Region Police Office.

Dinampot ang mga suspek matapos umanong bentahan ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa 9th Avenue, Barangay 63 bandang alas-5 ng hapon.

Nakuha sa mga suspek ang 11 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo, 3 cellphone, at ang buy-bust money.

Nasa kustodiya ng Northern Police District Drug Enforcement Unit ang mga suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.