6 online sellers huli sa alcohol overpricing sa Pampanga, Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 05:28 AM | Updated as of Mar 24 2020 06:08 AM

Anim na online sellers ang inaresto nitong Lunes dahil sa alcohol umano sa Pampanga at Tarlac. 

Sa hudyat ng police poseur buyer, huli ang lalaking dala ang 17 litro ng alcohol sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Camachiles, Mabalacat City, Pampanga nitong Lunes ng tanghali.

Naka-order ang mga operatiba sa social media account ng nahuli na nagbebenta ng alcohol ng tig P300 kada litro, doble sa itinakdang P122-148.50 na bentahan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, provincial director ng Pampanga Police, naka-post sa Facebook na nag-aalok ang suspek ng alcohol at kinilala ang nahuli na si Jerico Torres, 20 anyos, kasama ang 15 anyos na kasabwat nito na siyang nagmamaneho sa sinakyang motorsiklo.

Depensa ng suspek, huli na raw sana nilang transaksyon iyon. “Nalaman po namin na bawal po kaya last na naming pagbenta 'yong 17 na bote,” aniya.

Sa pinagsamang puwersa naman ng DTI at ng National Bureau of Investigaton Central Luzon Regional Office, huli sa entrapment operation sa Angeles City si alyas Emma na sangkot din sa online selling ng overpriced alcohol.

Nakipag-meet up si alyas Emma sa poseur buyer sa Barangay Salapungan, Angeles City, Pampanga, bitbit ang 43 litro ng alcohol sa halagang P10,000.

Tig-280 pesos ang benta niya kada litro at sa pagkahuli niya, huli rin ang 2 pa nitong kasabwat sa kanyang sasakyan.

Narekober din ang karagdagang 35 litro ng alcohol.

Sa follow-up operation naman, arestado ang sinasabing supplier ni alyas Emma na si alyas Arnee na taga-Bamban, Tarlac.

Nakuha sa kanya ang 40 galon ng alcohol na ibinebenta naman niya ng tig P750, halos doble rin sa itinakdang SRP ng DTI.

Nahaharap ngayon ang lahat ng nahuli sa patung-patong na kaso.-Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.