100 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 05:53 AM

May 100 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang kanilang bahay sa Marigold Street, Barangay Talon Cuatro, Las Piñas nitong Martes ng madaling araw.

Umabot ng ikatlong alarma bago naapula pasado alas-2 ng madaling araw ang sunog. Nasa P200,000 ang halaga ng pinsala sa mga gamit na natupok ng apoy. 

Ayon kay Luzviminda Bautista, isa sa mga residente sa lugar, nagulat na lang sila nang makita ang malaking apoy bandang hatinggabi, kaya binuhat na nila ang kanilang mga gamit palabas ng bahay. Away pamilya sa katabing bahay aniya ang dahilan ng apoy. 

Ayon kay Fire Supt. Arthur Sawate, Las Piñas Fire Marshall, may narinig rin silang sumbong na bago mangyari ang sunog, may nag-aaway na anak at magulang sa isang bahay na posibleng pinagmulan ng sunog.

Paalala ng Bureau of Fire Protection, iwasan ang pagsaksak ng maraming appliances ng sabay sabay para maiwasan ang power overload. 

Lahat kasi ay nasa loob ng bahay ngayon dahil sa enhanced community quarantine, kaya dapat aniya ay huwag sabay lahat na gagamit ng mga gadget at appliances para maiwasan ang posibleng short-circuit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.