Grupong Bayan nakatakdang maghain ng reklamo vs Manila Water

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 03:22 PM

Pormal nang hihilingin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Lunes na mapanagot ang water concessionaire na Manila Water sa umano'y naging paglabag nito sa obligasyon nang magkaroon ng water shortage noong isang linggo.

Ihihirit ng Bayan ang suspensiyon ng water bill para sa Marso, ang pagbawi sa naunang naaprubahang water rate hike, at iba pang parusa alinsunod sa kontrata ng Manila Water.

Sabi ni Bayan secretary general Renato Reyes, isang paglabag sa contractual obligation ang nangyari dahil hindi nakapagbigay ng "uninterrupted" o walang palyang serbisyo ang Manila Water sa mga konsumer nito.

Isasampa ng Bayan ang kanilang reklamo sa tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang ahensiya ng gobyerno na tumatayong regulator ng Manila Water at iba pang water concessionaire.

"We will demand MWSS to impose penalties on Manila Water for violating the contractual obligations to provide uninterrupted water services. This is under Article 10.4 of the concession agreement," sabi ni Reyes.

Hirit ng grupo sa MWSS, dapat magkaroon ng public hearings upang magkaroon ng partisipasyon ang publiko na siyang naperwisyo ng malawalang water shortage.

Higit isang linggong nakaranas ng wala o mahinang tubig ang higit 1 milyong konsumer na sakop ng Manila Water matapos umano magkulang ang suplay ng tubig bunsod ng mainit na panahon at mga naantalang proyekto.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.