Dayuhan natagpuang patay sa yate sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 04:10 PM

LINAPACAN, Palawan -- Nangangamoy na ang bangkay ng isang lalaking Polish national nang matagpuan sa isang yate sa bayan na ito, Sabado ng hapon.

Nakilala ang biktimang si Goncz Zdzislaw, 60-anyos na residente ng Puerto Princesa, dahil sa nakuhang ID mula sa kanya, ayon sa pulisya.

Dumating umano at nag-angkorahe ang yate ng biktima sa Barangay New Colaylayan nitong Marso 17. Huling nakitang naglalakad sa yate ang sakay nito noong Miyerkoles.

Makalipas ang ilang araw, napansin ng mga opisyal ng barangay na wala nang aktibidad sa yate kaya't pinuntahan na nila ito para suriin, dahilan para mahanap ang bangkay nii Zdzislaw.

Isasailalim sa autopsy ang kaniyang bangkay bago dalhin sa Puerto Princesa, Linggo ng gabi.

Naipagbigay-alam na rin sa kaniyang pamilya ang insidente, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.