ALAMIN: Tulong na alok ng OWWA sa mga umuuwing OFW

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala pang isang buwan nang umuwi sa Pilipinas si Pharaon Warde, na nagtrabaho bilang manager sa isang construction site sa Papua New Guinea.

Puwersahan umanong pinauwi si Warde, 55, ng kaniyang amo dahil sa hindi pagkakasunduan.

"Miscommunication dahil... hindi masyadong makaintindi ng English," ani Warde. "Hindi raw ako marunong magtrabaho," dagdag niya.

Isa si Warde sa mga target na tulungan ng reintegration program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa datos ng OWWA, mula 2015 hanggang 2018, malaki ang itinaas ng bilang ng mga distressed OFW na nag-avail sa programang "Balik Pinas, Balik-Hanapbuhay."

Sa "Balik Pinas, Balik-Hanapbuhay" program, higit 30,000 ang itinaas ng mga nabigyan ng cash benefit.

"There is hope for a returning distressed worker," ani OWWA administrator Hans Leo Cacdac.

Sa ilalim ng nasabing programa, makakukuha ng cash benefit ang distressed OFW, aktibo man o hindi bilang OWWA member.

Maaari lamang itong makuha isang beses sa loob ng isang taon pagkabalik ng bansa.

May alok ding loan o pautang ang OWWA sa mga nagbalik-bansang OFW na may planong magtayo ng negosyo pero nakasalalay pa rin sa ka-partner na bangko kung maaaprubahan ito.

Dagdag pa ng OWWA, nasa proseso na ngayon na gawing electronic ang application process upang mapabilis na maipaabot ang ayuda sa mga umuwing OFW.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.