SOCO: Babaeng natagpuang patay sa Pampanga, nagpatiwakal nga ba?

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 03:51 PM

Natagpuan ang bangkay ng 22 anyos na single mother na si Christinnelle “Khit-Khit” Dimacali sa tinitirhang boarding house sa Angeles City noong Enero 13, 2015.

“Nag-report 'yung live-in partner [ng biktima] sa amin,” ayon kay SPO3 Celso Nicdao, investigator on case ng Angeles Police. “Ang sabi niya, nag-suicide 'yung ka-live-in partner niya.”

“'Yung bangkay, nakahiga na, nakalatag na doon sa higaan nila. Hindi na nakasabit. Nandoon na 'yung pinagsabitan [na] lubid, tapos medyo magulo 'yung kwarto nila,” dagdag ng pulis.

Sa obserbasyon ng mga awtoridad, may napansing ligature mark sa leeg ng biktima na posibleng sanhi ng pagbibigti.

Kuwento ng mga kapamilya ng biktima, Disyembre 2014 nang matanggap si Dimacali bilang production staff sa isang electronic company sa Clark, Pampanga. 

Ngunit noong Enero 5, 2015, napagdesisyunan ni Dimacali na mag-resign sa trabaho.

Ayon sa ina ng biktima na si Natividad Dimacali, napansin niya raw ang kaniyang anak na tahimik ilang araw bago ito namatay.

“Palagi niyang sinasabi na ilang araw na lang [siya]. Mawawala na [siya],” ani Natividad.

Pero ayon naman sa kaibigan ng biktima na si “Jade,” hindi raw magagawa ng biktima ang umano’y pagpapatiwakal.

“Ang pagkakakilala ko kasi sa kaniya, matapang siya, ganiyan. Palaban. Hindi nagpapatalo. Hindi niya kayang gawin sa sarili niya 'yun.”

Dahil sa kaduda-dudang insidente, ipina-autopsy ng pamilya ang bangkay.

Base sa post-mortem examination, lumabas na asphyxia by strangulation ang ikinamatay ni Dimacali. Ngunit hindi raw tugma sa pagbibigti ang marka sa leeg nito.

Maliban dito, may natagpuan ding pasa sa katawan ng biktima.

“Nag-reinvestigation kami,” ayon kay Nicdao. “Itong biktima natin ay medyo may katangkaran din. Hindi siya roon [sa boarding house] magbibigti kasi mababa 'yung taas. Dalawang paa niya nakasayad.”

Nagpakamatay nga ba o pinatay si Dimacali? Sundan ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado sa bago nitong oras, 5:30 p.m. sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.