Public official na nagbanta sa propesor, maaari bang kasuhan?

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 06:48 PM | Updated as of Feb 20 2020 12:36 PM

Watch more in iWantTFC

Maaaring maharap sa patong-patong na reklamo ang magulang na nagbanta sa isang propesor ng Ateneo de Davao University (ADDU) dahil sa mababang grado ng anak nito.

Lumabas ito sa talakayan sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Biyernes kaugnay sa reklamong "grave threat."

Sa balita, sinabi umano ng magulang na isa ring public official at abogado ang mga katagang "We are a family of lawyers and killers" at "We can take down this school" sa mga opisyal ng unibersidad.

Ayon sa abogadong si Claire Castro, puwedeng makasuhan ng grave threat ang nasabing magulang dahil sa pagbabanta nito.

"'Pag ganito 'yung mga salita, doon papasasok 'yung sinasabi nating grave threats dahil mayroon siyang gagawing hindi sana akma na puwedeng matakot 'yung taong pinagsasabihan mo," paliwanag ng abogado.

Maaari rin aniyang paimbestigahan sa Office of the Ombudsman ang magulang dahil sa mga sinabi nito.

Bukod sa pagiging public official, puwede pa aniyang maharap sa karampatang kaso ang magulang dahil abogado rin ito.

"Kung lawyer ito, maliban sa public servant, itong inasta niya eh puwedeng maging cause ng disbarment," ani Castro.

"Maliban dito, bilang siya ay under sa Civil Service Law, puwede pa siyang makasuhan ng grave misconduct," dagdag ng abogado.

Naghahanda na ang unibersidad na magsampa ng legal na aksiyon laban sa naturang magulang.

Samantala, itinanggi naman ng magulang na kinilalang si Remlane Tambuang, regional director ng Commission on Elections (Comelec) Region XI, na binantaan niya ang propesor ng unibersidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.