Ina ni 'Atio' ikinagalak ang pagsuko ng 10 suspek sa hazing ng anak

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 03:22 AM | Updated as of Feb 07 2020 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinatuwa ng ina ni University of Santo Tomas (UST) law freshman Horacio 'Atio' Castillo III ang pagsuko sa awtoridad ng mga akusado sa hazing nito.

Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 miyembro ng Aegis Jvris fraternity nitong Biyernes matapos mahainan ng warrant.

Ayon kay Carminia Castillo, dati pa siyang naghihintay ng paliwanag mula sa fraternity pero sumama ang loob niya nang pagtakpan pa ng grupo ang kanilang mga miyembro.

“Wala pa naman na pagkakataon na umapela sila sa akin. But even if they intend to appeal, I’m sorry it’s already too late. They all deserve to go to jail,” aniya.
    
Tumanggi namang magsalita ang mga suspek nang kausapin ng News team.

Pero nilinaw nila na boluntaryo silang sumuko sa Death Investigation Division sa NBI.

Iprinesenta ng NBI nitong Biyernes ng hapon ang sampung aksusado. 

"Mas ginusto na nilang mag-voluntary surrender sa NBI kasi nga parang last night, may mga nagpupunta na sa bahay nila," ani NBI agent Danilo Mayani.

Ayon sa NBI, ang hukom na ang magdedesisyon kung saan ikukulong ang 10 kapag ibinalik na ang warrant sa korte sa Lunes. 

Tiniyak naman ng ahensiya na walang special treatment na matatanggap ang mga suspek kung sakaling sa NBI sila makukulong. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.