Bokalista na may kasong rape arestado sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 09:28 AM

Inaresto ng National Bureau of Investigation sa isang bar sa Davao City Biyernes ng gabi ang bokalista ng isang banda na may kasong rape.

Sa bisa ng warrant of arrest, hinuli si Jufil Pacatang matapos ang unang set ng kaniyang gig.

Ang utos ng pag-aresto ay ipinalabas ng Davao City Regional Trial Court Branch 11.

Nang kunan ng pahayag ang suspek, pinabulaanan niya ang alegasyon ng panghahalay.

Hindi ito humarap sa kamera pero nag-iwan ng mensahe si Pacatang sa biktima na pag-isipan ng mabuti ang mga umano'y maling paratang laban sa kaniya.

Nanggagalaiti naman sa galit ang ina ng biktima nang makita si Pacatang sa loob ng tanggapan ng NBI sa Davao City.

Kuwento ng ina, nangyari umano ang panghahalay sa kaniyang anak noong Mayo ng nakaraang taon.

Niyaya umano ni Pacatang ang kaniyang anak na 20 anyos noon na dumalo sa isang party.

Ngunit pagdating sa lugar ay laking gulat ng biktima na walang ibang tao sa loob ng bahay ni Pacatang.

Pinainom umano ng suspek ang biktima ng pampatulog na nauwi sa panghahalay.

Ibinunyag lang ng biktima ang buong pangyayari sa kaniyang ina matapos ang isang linggo.

Dagdag ng ina ng biktima, kaibigan ng kaniyang anak si Pacatang. Nagkakilala umano ang dalawa dahil mahilig din sa musika ang biktima.

Isinampa ang kasong rape laban sa suspek noong Pebrero 27, 2018. -- ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.