2 patay sa hit-and-run sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 05:36 PM

Natagpuang patay at duguan ang 2 lalaki matapos mabiktima ng hit-and-run sa national highway ng Passi City, Iloilo nitong Sabado. Kabalikat Civicom Passi

PASSI CITY—Dalawa ang patay matapos mabiktima ng hit-and-run sa Passi City, Iloilo nitong Sabado.

Sa ulat ng communication group na Kabalikat Civicom Passi, isang tawag mula sa concerned citizen ang natanggap nila pasado alas-12 ng hatinggabi. 

Agad rumesponde and Bureau of Fire Protection rescue group sa national highway ng Passi City at nadatnan ang mga duguan at walang buhay na mga biktima.

Nakilala ang isa sa mga biktima bilang si Ronnie Paras, base sa nakuhang papeles sa gamit ng mga biktima. Patuloy pang inaalam ang pagkakilanlan ng kaniyang kasama.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na galing sa lungsod ang mga biktima at patungo sa direksyon ng bayan ng Dumarao, Capiz nang mangyari ang aksidente.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong klase ng sasakyan ang nakabundol sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.