1 patay, 4 arestado sa magkakasunod na operasyon sa Cotabato

Arianne Apatan and Noel Elvena, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2018 02:27 PM | Updated as of Dec 19 2018 01:27 PM

COTABATO CITY - Isang kagawad ang napatay habang 4 na residente ang inaresto ng mga awtoridad sa sunod sunod na drug operations na isinagawa dito sa lungsod, Sabado ng umaga.

Binaril ng mga awtoridad si Sadat Ayunan matapos umano niyang subukang batuhin ng granada ang mga pulis, 

“Nanlaban siya. Mayroon siyang granada. Alam mo naman ang impact ng granada mas matindi pa sa baril. So that’s the last recourse," ani Chief Inspector Tirso Pascual.

Ngunit giit ng misis ni Ayunan, inosente ang kaniyang asawa.

"Nakita ko parang may mga flashlight. Sabi ko parang may sundalo. Tapos tinadyakan na nila ang pinto, sabi nila, 'Dapa'. Tapos pinalabas kami ng mga anak ko. Sabi ko 'wag nila patayin kasi walang kasalanan,'" kuwento ng misis ni Ayunan.

"'Nung paglabas namin, narinig ko na 'bang! bang!'” dagdag niya.

Kabilang sa drugs watchlist ng mga pulis si Ayunan. Nauna na rin siyang sumuko sa mga awtoridad noong Nobyembre 2016.

Ngunit giit ng tiyahin ng biktima, iregular ang naging pag-aresto sa suspek.

"'Yung 'pag raid dito, walang warrant. Walang coordination sa barangay. 'Yang shabu hindi totoo 'yan,” ani Bai Linang Ayunan, tiyahin ng napaslang.

Samantala, dalawa pang mga umano'y supplier ng ilegal na droga ang naaresto sa isa pang operasyon.

“[Sila ay] source ng drugs hindi lang sa Cotabato City pero [sa] nearby municipalities sa ARMM. Matagal na rin natin minamanmanan," ani Pascual. 

'Di na pinangalanan ng mga awtoridad ang 2 pang naaresto na pawang mga estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.