Truck sumalpok sa center island sa Maynila

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2017 03:45 PM

Inararo ng isang 12-wheeler truck ang center island sa España Boulevard sa Maynila Huwebes ng gabi.

Nawasak ang konkreto sa center island na malapit sa kanto ng España at Maceda Street at nagkalat ang mga debris mula rito matapos sumampa ang truck sa gilid nito at pumutok ang kaliwang gulong sa harap.

Ayon sa driver na si Lando Mitran, 53, biyaheng southbound ang truck mula Quezon City nang hindi siya makapreno paglampas ng Welcome Rotonda.

Aniya, ginilid na lang niya ang truck papunta sa center island para maiwasang mabangga ang ilang taong tumatawid sa kanto ng Maceda. 

Sa nakalap na impormasyon ng traffic bureau, nadamay rin ang isang kotseng biyaheng northbound nang matamaan ito ng bato mula sa nawasak na center island.

Pasado alas-4 ng umaga nang Biyernes naialis ng towing truck ng MMDA ang nabanggang truck at dinala sa Manila Traffic Bureau para mai-record.