PANOORIN: Signage ng NHA winasak ng mga nagpoprotesta

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2017 03:20 PM | Updated as of Mar 24 2017 03:53 PM

Pinagbabaklas ng mga nagpoprotesta sa National Housing Authority (NHA) ang signage ng ahensiya sa labas ng tanggapan nito.

Partikular na tinanggal ng mga nagpoprotesta ang logo ng NHA, na ikinasugat pa ng isang militante. 

Bukod sa pagsira sa signage, niyugyog din ng mga nagpoprotesta ang gate ng tanggapan sa gitna ng kanilang programa.

Kabilang sa mga nagpoprotesta ang mga miyembro ng grupong Kadamay, kasama rin ng iba pang militanteng grupo.

Giit nila, alisin na ang "notice of eviction" laban sa mga kasapi ng Kadamay at ng informal settlers na nauna nang umokupa sa pabahay sa Pandi, Bulacan.

Sa ulat ni DZMM Correspondent Jon Ibañez, wala pa umanong opisyal ng NHA na lumalabas upang kausapin ang mga raliyista.

Ito ay kahit pa sinabihan na umano ni Secretary to the Cabinet Leoncio ang general manager ng NHA na solusyunan ang alitan sa pakikipag-usap.

Nakabantay ang mga pulis sa loob ng tanggapan ng NHA, gayundin sa gilid ng Elliptical Road. May ilang bombero ring namataan sa paligid.

Dalawang lanes sa naturang bahagi ng Quezon City ang nasasakop ng mga nagpoprotesta.