Kadamay, nag-protesta sa harap ng NHA

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Mar 24 2017 11:54 AM | Updated as of Mar 24 2017 09:31 PM

Nagsagawa ng kilos protesta ang grupong Kadamay, kasama ang iba't-ibang militanteng grupo sa harapan ng tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Quezon City.

Hiling ng grupo, alisin na ang notice of eviction laban sa mga kasapi ng Kadamay at informal settlers na nauna nang umokupa sa housing units sa Pandi, Bulacan.

Hiniling din nila ang pagpapalabas ng resolusyong igagawad na ang mga pabahay sa mga nakaupa sa Bulacan.

Sa panayam sa DZMM, giniit naman ng Cabinet Secretary Leoncio Evasco na kanya nang sinabihan ang general manager ng NHA na solusyunan ang problemang ito sa pakikipag-usap sa mga nagpo-protesta, at huwag silang palayasin sa kanilang tinutuluyan.

“I asked the general manager of NHA that there should be no forcible eviction from the place that they are staying now. Pag-uusap ang kailangan dito and the assurance that they should be given housing in the shortest time possible,” aniya.

Ikinatuwa naman ni Bea Arellano, national chairperson ng grupong Kadamay, ang pahayag ni Evasco.

"Kung walang marahas eh di mabuti naman po kasi magkakagulo lamang po kung marahas," aniya sa isang panayam sa DZMM.

Dagdag pa ni Arellano, bukas sila na makipag-usap sa NHA ngunit hiling nila na huwag nang paalisin ang mga miyembro ng Kadamay na umokupa ng ilang housing units.

Pinasinungalingan rin ni Arellano ang paliwanag ng NHA na may nakatakda nang tumira sa mga housing units dahil ngayon pa lang daw naghahanap ang ahensya ng mga pagbibigyan ng bahay.

"Hindi po totoo iyan, nagkakanda-kumahog nga ngayon na naghahanap ng mga informal settler na dadalhin diyan," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.