4 na suspek sa droga, tiklo sa Naga City

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2017 08:29 PM

NAGA CITY – Apat sa 5 taong target ng search warrant ang arestado sa isinagawang pagsalakay ng awtoridad sa 5 kabahayan sa Naga City, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang mga suspek na sina Christine Reafor, Jay Cuaño, Ronnie Santos at Remegio Marco Rapal. Narekober mula sa kanila ang iba’t-ibang sukat ng plastic sachet na may hinihinalang shabu.

Nakatakas naman si John Michael Bien at tanging ang 9 na buwang buntis na live-in partner niya ang nadatnan ng operatiba sa kanilang bahay.

Ang apat ay naaresto matapos na salakayin ng Naga City Regional Police Drug Enforcement Unit at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang limang bahay sa Sagrada Familia, Barangay Peñafrancia. 

Maliban sa droga at mga paraphernalia, nakumpiska din kay Reafor ang isang bank book na naglalaman ng aabot sa P700,000.

Naniniwala ang pulis na ang perang nasa bangko ay galing umano sa pagbebenta ni Reafor ng iligal na droga. Wala itong trabaho at tanging inaasahan na lamang ng mga nakababatang kapatid.

Kilalang lugar ang Sagrada Familia na bagsakan ng iligal na droga sa Naga, ayon sa mga pulis. 

Nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuling suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.