1 patay sa drug raid sa Agusan del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2017 09:53 AM | Updated as of Mar 24 2017 11:13 PM

Photo courtesy: TRENTO PNP

TRENTO, Agusan del Sur – Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng raid sa Brgy. San Ignacio, Huwebes.

Ayon sa mga awtoridad, kinilala ang namatay bilang si John Glenn Labrador Sr., 54, na nasa drug watchlist ng Compostela Valley.

Nakatakas naman ang isang Daniel Dianing na suspek rin sa pagtutulak ng shabu, sabi ni Senior Inspector Nelvin Rufon, Hepe ng Trento Municipal Police Station.

Photo courtesy: TRENTO PNP

Arestado naman ang asawa ni Dianing na si Annalyn, at ang 18-taong gulang na live-in partner ni Labrador.

Sa isinagawang search operation, nakumpiska ng mga pulis ang dalawang .45-caliber na baril, mga bala, pitong sachet ng shabu at ibang kagamitan na ginagamit sa paghithit ng droga.

Tinatayang P100,000 ang halaga ng 10 gramo ng shabu na narekober, ani Rufon.