PatrolPH

Senate committee report kontra POGO kulang pa ng pirma: Gatchalian

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2023 06:52 PM

MAYNILA — Pitong senador pa lang ang pumirma sa report ng Committee on Ways and Means kaugnay sa isinagawa nitong imbestigasyon sa epekto ng operasyon ng POGO sa bansa.

Sabi ng pinuno ng komite na si Sen. Win Gatchalian, tuloy-tuloy ang pagpapaikot nila ng committee report sa mga miyembrong senador.

"Right now, merong 7 [signatures] and then we will update that based on findings. So we might come up [with] a new committee report with new information," ani Gatchalian. 

Para umabot sa plenaryo ang committee report, kailangan ng 10 pirma ng mga miyembrong senador.

Paliwanag pa ni Gatchalian, may ibang senador na hindi pa pumipirma dahil may mga alinlangan lalo na sa isyu ng employment dahil may halos 20,000 Pinoy POGO workers.

Ikinokonsidera rin ng ilang senador ang posibleng kita sa tax na mawawala sa pamahalaan kung ipagbawal ang POGO operation.

Sa rekomendasyon na i-regulate na lang ang POGO, kinuwestyon ni Gatchalian kung papaano mahihinto ang mga krimen na kadikit nito.

Tiwala rin si Gatchalian na aayunan ni Pangulong Bongbong Marcos ang ban sa POGO dahil mismong mga grupo ng mga negosyante na ang naglabas ng manifesto laban sa POGO.

Una na rin sinabi ng finance department at NEDA na takot mamuhunan ang mga foreign investors sa POGO dahil sa mga krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.