Filipino Muslims pray at the start holy month of Ramadan at the Marikina Islamic Grand Mosque on March 23, 2023. Maria Tan, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATE) — Pasado alas-4 ng madaling araw ngayong Huwebes nang magbukas ang pinto ng Blue Mosque sa Barangay Maharlika, Taguig City sa pagsisimula ng Ramadan.
Alas-5:15 nang dasalin ang una sa limang salah.
Hindi gaya noong nakaraang taon, wala ng social distancing ngayon sa loob ng naturang mosque.
“Ang pinagkaiba po ng last year at past pa noong pandemic, at ngayon ay mas naging maluwag para sa aming Muslim ang pumunta dito sa bahay ng Allah at dito isagawa ang pagsamba sa gabi. Mas maraming tao ang magsamba sa loob ng masjid, mas malaking gantimpala ang ibibigay ng panginoong Allah,” ayon kay Blue Mosque Grand Imam Mohammad Elias Alawi.
Ang pag-aayuno ay kailangan gawin ng bawat tagasunod ng Islam na inoobserbahan ng milyun-milyong Muslim sa buong mundo.
Sa pinakamalaking mosque sa Metro Manila na Golden Mosque sa Quiapo, tinatayang nasa higit 500 ang dumalo sa Fajr.
Madaling araw pa lang, gising na ang karamihan, nagluluto at kumain para ihanda ang pangangatawan.
“Pag tumawag na Adhan, di ka na pwedeng kumain, closed na 'yung pagkakain mo... 'Pag ganitong oras at buwan ng Ramadan, ito 'yung pinakamalaking gantimpala sa'min... Bumabalik sa amin 'pag gumagawa kami ng mabuti,” ani Khalil.
“Itong banal na Qur'an, ipinaliwanag ni Prophet Muhammad… sino sa inyo mag-ayuno… at tiisin mo ang lahat ng dapat tiisin. Kailangan gumawa ka ng kabutihan... Magbasa ng Qur'an, paggunita sa Panginoon, serbisyohan mo kapwa mo lalo na yung mga nagfa-fasting. Maghanda ka ng fasting para sa kanila,” ayon kay Shaharon Imran Angni, ang Imam ng Golden Mosque.
Inalala rin ang ilan sa mga kapatid na Muslim na namatay dahil sa COVID-19.
“Yung mga kaibigan, kamag-anak dati rati, kasama dito sa masjid, sabay-sabay break ng fasting, naaalala po natin sila. Wala na tayo magagawa kasi nauna na sila. Ang magagawa na lang natin ay humingi kay Allah na patawarin sila,” ayon kay Imam Alawi.
PANAWAGAN PARA SA MGA HINDI MUSLIM
Respeto ang panawagan ng Imam sa mga hindi Muslim para sa kanilang obligasyon.
“Dapat po talaga, bilang tao, kahit magkakaiba ng relihiyon ay nagrerespetuhan... Alam po ng non-Muslim na 'pag sumapit ang Ramadan at nag-aayuno ang mga Muslim. So ang maganda po na masasabi natin diyan, 'yung mga non-Muslim na mayroon silang katrabaho, kaibigan na mga Muslim na alam nila na nagfa-fasting sila, 'wag na po nila yayaain na 'Halika, kain ka. Halika, inom ka', kasi tatanggi po 'yun talaga,” dagdag ni Imam Alawi.
Nangangamba rin siyang makalimutan na ang Islam ng bagong henerasyon. Kaya’t panawagan niya sa mga magulang na isama sa ayuno ang pagtuturo sa mga anak ng Islam.
“Yung mga kabataan, dapat ay 'yung mga magulang nila itulak niyo sila... Pilitin niyo sila na matutunan nang maayos ang Islam. Kasi mga kabataan po ngayon, dahil sa kapabayaan ng magulang, tinatamad lang. Paglaki nila, nagiging mang-mang sila sa Islam. 'Yan nakikita naming dahilan bakit dahan-dahan nakakalimutan ng tao ang Islam.”
Sinabi naman ni Imam Bayan Radia, deputy grand imam ng Blue Mosque, na nawa’y maintindihan ng mga guro at supervisor sa opisina ang ayuno ng mga Muslim.
“Tungkol po sa pakiusap namin sa kapatid na non-Muslims for example, sana po pahintulutan ang mga Muslim students na maitayo ang prayers. 'Yung mga manager po, supervisor sa company, sana po maintindihan nila 'yung mga Muslim kasi itong Ramadan will teach na maging tunay na matakutin ka sa Maykapal,” ani Imam Radia.
Hangad niyang mawala na nang tuluyan ang diskriminasyon.
Isa si Samanodin Mangiguin na nagsama ng mga anak (na sina Abdul at Sainodin) sa mosque. Aniya, tinuturuan na niya ang mga ito hinggil sa Islam.
“Ito tini-training sila, kaya dapat nila matutunan ang Islam. Kaya ito inaano ko na 'di maligaw ang landas nila,” ani Samanodin.
Excited sa Ramadan ang 10-anyos na si Abdul, at sinabig may sarili siyang pag-aayuno sa murang edad.
“Magfa-fasting po ako, para magdasal po. 'Di po ako kakain ng tsitsirya,” kuwento niya.
Nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsisimula ng Ramadan.
“This season of fasting, prayer, and almsgiving is an opportune time to embody the values of discipline, reverence, and humility. The spiritual that the gate of Heaven is open during this sacred month calls upon our brothers and sisters to purify their souls against the perils of worldly pleasures as well as seek for forgiveness and peace,” ayon sa pangulo.
Nanawagan siyang isama sa dasal ngayong Ramadan ang mga nagugutom, nasalanta ng kalamidad, at iba pang sakuna.
“As a nation enriched with cultural diversity, let us allow our hearts to embrace the profound truth that respect conquers divisions, understanding obliterates prejudice and love prevails over all. I wish you a solemn and blessed observance,” sabi ng pangulo.
Samantala, naglabas ng memorandum circular ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa flexible working hours na 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. para sa mga empleyadong nagfa-fasting sa buwan ng Ramadan.
Ibabalik ito ng rehiyon sa 8 a.m. - 5 p.m. sa pagtatapos ng Ramadan sa Abril.
Tatagal ng isang buwan ang pag-aayuno at pagkatapos ay ipagdiriwang ang Eid al-Fitr.
—Ulat nina Jeff Caparas, Champ De Lunas at Andrea Taguines, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.