Simpleng biro lang sana para sa 2 kasabay pauwi sa MRT Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong ang sinambit ng isang 25 anyos na lalaki mula Quezon City.
Pero naging mitsa ito para arestuhan siya nitong Huwebes ng security personnel ng MRT.
Inireklamo ang lalaki ng MRT matapos umanong magbiro na may bomba ang kaniyang kasama kaya hindi sila makausad sa pila papasok ng istasyon ng tren.
Sa halip na makauwi pagkatapos ng mahabang araw ng trabaho, sa Mandaluyong police napadiretso ang lalaki.
"May isang grupo ng mga kalalakihan na habang nakapila. May isang lalaki... habang chine-check 'yong bag ng kaniyang kasama, sumigaw siya, 'May bomba yan!' kaya inaresto siya ng mga security ng MRT," kuwento ni Capt. Edmer Nicolas ng Mandaluyong police.
Sa bisa ng Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, bawal ang mga naturang biro sa mga pampublikong lugar gaya ng mga airport, pier, at istasyon ng bus at tren dahil maaari itong pagmulan ng kaguluhan.
Ang parusa sa nasabing biro ay pagkakakulong umanong aabot sa 5 taon at multa na hindi hihigit sa P40,000.
Aminado umano ang lalaki sa kaniyang nagawa.
Ayon sa lalaki, matagal sinilip ang bag ng kaniyang kasama kasi marami itong dalang gamit pangtrabaho.
"Hindi ko naman sinigaw. Kung sakaling sinigaw ko po 'yon, 'matic nag-panic 'yong mga tao doon," sabi ng lalaki.
Haharapin ng lalaki ang paglabag sa Anti-Bomb Joke Law.
— Ulat ni Champ de Lunas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.