CAMBODIA - Patuloy na naghihigpit ang Embahada ng Pilipinas at gobyerno ng Cambodia para mapigilan ang illegal recruitment. Mga Pinoy rin umano ang kadalasang nambibiktima ng mga kapwa Pinoy sa online recruitment scamming.
Natalakay sa Senado nitong Enero ang isyu ng illegal recruitment sa Cambodia pero patuloy pa ring may nabibiktima.
Nitong buwan ng Marso, apat pa ang nasagip ng Bureau of Immigration. Sa imbestigasyon, umamin silang sa Cambodia ang kanilang punta para magtrabaho sa isang offshore gaming operation. Nagbayad umano sila ng tig-sasampung libong pisong downpayment sa recruiter.
Ayon sa Minister at Consul General ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia Emma R. Sarne, iba-ibang uri ng online scams ang kinasangkutan ng mga nasagip nila. Mayroong pig butchering, crypto scamming at romance scamming.
“They use popular dating apps. They use popular media sites in order to target itong foreigners,” sabi ni CG Sarne.
Sa kasagsagan ng pandemic noong 2021, isandaang at labingsiyam na Pinoy ang nasagip ng Embahada. Agosto 2022, apat na Pinoy rin ang na-rescue sa iba-ibang casino na nabiktima ng pambubugbog.
“They were beaten and the beating was done live. So, it was streamed to their families back home. Their families were forced to pay $10,000 ora-orada nakapagbigay sila ng $10,000. They show us the online transaction,” ani CG Sarne.
Dahil sa mga kaso ng illegal recruitment, may mga paghihigpit na ipinatutupad ang Pilipinas at Cambodian government lalo na sa mga Pinoy. At para sa Pilipinang si Glovena Cara Domingo, principal sa Philippine International of Phnom Penh, hindi ito pumapabor sa mga Pinoy.
“Una, ang mga legal workers ay hindi makapagbabakasyon...Pangalawa, yung mga na-repat noong COVID-19...gusto nilang bumalik, mahihirapan sila kasi wala na naman silang legal document. Pangatlo, yung mga gustong pumunta rin na naimbitahang magtrabaho ng mga kamag-anak, mahihirapan kasi ang dami-daming mga documents ang mga hinihingi,” pahayag ni Domingo sa TFC News.
Giit ng Embahada, nakaalalay ang ilang sangay ng gobyerno para sa mga nais makapunta ng Cambodia.
“We encourage you po to apply properly. Kaya nga po na andyan ang DMW, nandyan ang Overseas Workers Welfare Association. You know, dumaaan po kayo sa tamang proseso kasi andyan po yan para sa inyo,” ani CG Sarne.
Hinihikayat ng Embahada ang mga Pilipinong gustong magtrabaho abroad na tiyaking lehitimo ang mga hawak na dokumento kagaya ng verified contract.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.