MAYNILA — Dadagdagan ng Commission on Elections (Comelec) ang honoraria ng mga guro at support staff na magsisilbi sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 2023.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, gagawin itong P8,000, P9,000 at P10,000 mula sa dating P4,000, P5,000 at P6,000.
"Ipapares natin sa tinatanggap ng mga guro sa automated elections... Siyempre may tax pa rin po yun sapagkat hindi napagbigyan ang tax exemption ng mga guro na magsisilbi para sa halalan," sabi ni Garcia, Huwebes.
Pinag-aaralan naman ng Comelec ang suhestiyon ni Vice President Sara Duterte na ibigay nang mas maaga ang honoraria ng mga guro na magsisilbi sa halalan.
"Pinag-aaralan na po ng executive director at operations namin kaya lang po meron tayong masamang karanasan diyan noong 2004. Ginawa na ng Comelec na magbigay ng advance. May ilan na hindi na nag-report either tinakot, natakot, whatever reason hindi nag-report," sabi ni Garcia.
Sinabi naman ng opisyal na kung sakaling matutuloy ang halalan ng mga delegado ng Constitutional Convention ay igigiit nila ang karagdagang P2,000 honoraria across the board.
Batid aniya nila ang hirap at sakripisyo ng mga guro na nagsisilbi sa mga halalan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.