PatrolPH

500 Bilibid inmates, target mailipat sa probinsya matapos ang Holy Week: BuCor

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2023 09:41 PM

Flag ceremony para sa 117th founding anniversary ng New Bilibid Prison, Nobyembre 14, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Flag ceremony para sa 117th founding anniversary ng New Bilibid Prison, Nobyembre 14, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Nais ng Bureau of Corrections (BuCor) na mailipat na ang 500 na bilanggo mula sa New Bilibid Prison (NBP) patungo sa iba't ibang kulungan at penal farms nito sa probinsiya.

Magrerenta umano ang BuCor ng sarili nilang barko na sila lang ang magiging sakay kasama ang mga bilanggong ililipat sa probinsiya na target maisagawa pagkatapos ng Semana Santa.

Ito ang ilan lang sa mga napag-usapan sa pagpupulong nitong Huwebes nina BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr., Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, at Housing czar Jose Acuzar.

“I will decongest the New Bilibid Prison — all the 30,000 inmates or the PDLs (person deprived of liberty) will be brought to different prisons and penal farms that include Iwahig in Palawan, Davao, Leyte, and also Mindoro. After the Holy Week, I’ll be moving about 500,” sabi ni Catapang.

Sabi ni Catapang, tinalakay rin sa pulong ang gagawing hakbang sa mga informal settlers sa lupaing pag-aari ng BuCor sa Muntinlupa.

“Nagpapatulong si Mayor Biazon sa informal settlers kasi nga right now I have about 1,000 informal settlers doon sa BuCor and as I earlier stated, nagbigay ako ng BuCor development plan. They will be part of the relocation of the informal settlers sa BuCor,” ani Catapang.

Ayon kay Catapang, bubuo ng technical working group para plantsahin ang programang ito kasama sina Biazon at Acuzar.

Target umano ng BuCor na makapaglipat ng 2,000 hanggang 2,500 inmate mula sa NBP ngayong taon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.