PatrolPH

Mga kumukuha ng passport dumagsa sa DFA Aseana

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2022 07:12 PM

Watch more on iWantTFC

Mahaba ang pila sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa may Aseana, Parañaque City nitong nakalipas na magdamag.

Bago pa maghatinggabi ng Miyerkoles, marami na ang nakaabang sa DFA Aseana para makapasok at mauna sa pila. Mayroon kasi umanong backlog dahil sa pandemya.

Ayon kay Rosalie, isa sa mga pumila, 3 araw na siyang pabalik-balik para ayusin ang apostille certificate, na isa sa requirements para magtrabaho sa ibang bansa.

Nasa 300 lang ang pinapayagang pumasok sa opisina kaya marami ang inaabutan ng cut-off.

Inireklamo ni Rosalie na may mga sumisingit sa pila.

Bukod sa gutom at puyat, idinaing din ni Rosalie ang gastos, lalo't galing pa siyang Pampanga.

"Katulad noon, may nagsingit na ibang aplikante. Unfair naman, kami magdamag, ilang araw na," ani Rosalie.

May iba namang gabi pa lang ay pumipila na pero hindi pa rin nakakapagproseso ng requirements dahil nahahahalo sa mga walk-in passport applicant.

Nanawagan ang mga pumila sa DFA na magkaroon ng tamang sistema sa pila.

Kaniya-kaniyang dala rin ng karton ang mga aplikante para may mahigaan, maupuan o pantabing sa sikat ng araw.

Sinuspende ngayong Miyerkoles ng DFA ang walk-in service ng mga aplikante ng apostille services dahil naabot na umano ang bilang ng mga naserbisyuhan.

Inaalam din nila kung ano ang nangyari para humaba ang pila sa Aseana office.

Magsisimula ulit ang walk-in service sa apostille service sa Huwebes.

Muli ring nag-abiso ang ahensiya na 300 lang ang tinatanggap ng DFA Aseana kada araw at hindi na kailangang pumila sa gabi.

— Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.