MAYNILA — Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 9 na buwang gulang na sanggol na si "Miracle" matapos i-rescue ng National Bureau of Investigation mula sa mga bumili sa kanya.
Ibinenta si Miracle ng mga magulang para umano magkapera pambayad sa utang dahil sa online sabong.
Ikinatuwa ng nanay ni Miracle ang pag-rescue at pinagsisisihan daw niya ang pagbebenta sa sanggol.
Umaapela ang pamilya na ibalik sa kanila ang bata at nangakong isasailalim sa counseling ang nanay para matigil na ang pagsusugal.
Dadaan pa sa evaluation ng DSWD kung kanino mapupunta si Miracle, at sa korte nila isusumite ang kanilang rekomendasyon.
Ayon sa NBI, mahihirapang umapela ang mag-asawa dahil mabigat ang kasong child trafficking.
"Hindi magiging madali para sa nanay na mabawi ang bata dahil may kaso nga laban sa kanya. At matapos ang kaso, there is a possibility na ma-convict siya. At dahil may penalty na imprisonment, malaki ang chance na makulong siya. Maaring after ng evaluation, posibleng mapunta sa tatay," ani NBI anti-human trafficking division chief Janet Francisco.
Nitong Miyerkoles, pormal nang kinasuhan ng child trafficking ang mag-asawang bumili kay Miracle, at ang babaeng namagitan sa pagbebenta.
—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.