MAYNILA — Sinalakay ng mga awtoridad ang isang coronavirus disease (COVID-19) swab testing laboratory sa residential area ng Singalong St. sa Malate, sa Maynila na napag-alamang nag-o-operate umano nang walang permit.
Ayon sa Manila Public Information Office, alas-11 umaga ng Martes nang puntahan ng mga pulis ang lugar kasama ang mga taga-Bureau of Permits ng City Hall.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang 3 linggo nang nag-o-operate ang pasilidad, kung saan maaaring i-book online ang swab test.
Nagpakita umano ng certification ang pasilidad mula sa isang diagnostic laboratory at iginigiit na may permiso sila sa Department of Health (DOH).
Pero sasampahan pa rin ang pasilidad ng reklamong paglabag sa Manila City Ordinance 8831 o pag-operate nang walang business permit.
Kinumpiska ang mga gamit pang-swab test at nakikipag-ugnayan na rin ang Manila Police District - Special Mayor’s Reaction Team (MPD- SMART) sa DOH.
-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, permit, business permit, Malate, Manila, swab test, swab testing, Manila PIO, Manila Public Information Office