PatrolPH

Opisina sa QC ipinasara matapos magpositibo ang higit 30 tauhan

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2021 07:29 PM

MAYNILA — Pansamantalang ipinasara ng pamahalaang lokal ng Quezon City nitong Martes ang isang opisina sa Barangay Pasong Tamo matapos maiulat sa kanila na positibo sa COVID-19 ang higit 30 tauhan doon.

Pinasok ng mga operatiba ng QC Business Permit and Licensing department ang gusali kung saan naroroon ang surveying company. 

Nadatnan doon ng mga awtoridad ang ilang tauhan ng barangay at ang isa sa mga personnel staff ng opisina. 

Sabi ng taga-barangay, 11 tao na lang ang natitira sa opisina at wala na ang iba pa. Dagdag nito, mga engineer na gumagawa ng government road projects ang mga nagkasakit. 

Dahil dito, naglagay ng mga tauhan ang barangay sa loob ng compound para mabantayan at di makalabas-pasok ang mga tao sa lugar.

Ang naturang compound ay kabilang sa 42 lugar sa QC na isinasailalim sa lockdown.

Ayon sa local government, nasa 50 establisimyento na ang naisyuhan nila ng closure order simula noong pandemya dahil sa iba't ibang paglabag.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.