PatrolPH

2 pulis pinagtataga sa gitna ng paghahain ng arrest warrant

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2021 07:44 PM

CARLES, Iloilo — Sugatan ang 2 pulis sa bayan na ito noong Lunes matapos silang tagain at saksakin ng suspek na kanilang dapat aarestuhin sa bisa ng arrest warrant. 

Sa imbestigasyon, ihahain sana nina Police Staff Sgt. Michael Ilanga at Police Cpl. Godfrey Punsalan ang arrest warrant laban kay Rogelio Pancho na nahaharap sa kasong oral defamation at threat.

Maaari rin sana itong magpiyansa sa halagang P3,000 bawat kaso.

Pero sa halip na sumama agad, inatake umano ni Pancho ang 2 pulis gamit ang bolo.

Gumanti ng putok ang mga pulis pero nakailag ang suspek.

Lumipas ang ilang minuto at sumama rin si Pancho sa mga pulis sa tulong na rin ng ilang taga-barangay. 

Naputulan ng daliri si Punsalan at nagtamo rin ng sugat si Ilanga. Pareho silang nagpapagaling sa ospital.

Nasa kustodiya na ng pilisya ang suspek. 

—Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.