'Takeover' provision sa hiling na dagdag-awtoridad kay Duterte vs COVID-19 binawi

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inamin ng Malacañang na humingi nga sila ng kapangyarihan para puwedeng i-takeover ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pribadong public utility at negosyo para gamitin sa laban kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), pero kalaunan ay binawi rin nila ito.

"We are requesting it this early because we do not know how quickly our Congress can convene if and when we reach that point. Thus, for the benefit of our people, we opted to include it in our requested authorities," sabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Pero dahil nakinig daw ang Palasyo sa mga mambabatas at taumbayan na nabahala sa probisyon, binawi nila ito bago ipasa ang panukala sa Kongreso nitong Lunes.

"We listened to the advice of our legislators and the opinions of our countrymen and have adjusted our proposal by narrowing it down and subjecting it to safeguards in addition to what we originally proposed," ani Medialdea.

Sa halip, maaari na lamang utusan ng Pangulo ang mga pribadong ospital na patuluyin ang health workers o di kaya’y gawin itong quarantine center o sentro ng pamimigay ng tulong.

Ang pampublikong transportasyon naman, maaaring atasan na ihatid-sundo ang mga health workers at frontliners.

Ganito rin sa bersyon ng Kamara, pero kasama pa rin ang mga hotel. Kapansin-pansin na hindi na rin kasama ang mga telecommunications companies.

Gayunman, kapag hindi nakipagtulungan sa gobyerno, maaari pa ring i-takeover ng Pangulo ang kompanya.

Pagtitiyak ni Medialdea, gusto lang nila ng sapat na kapangyarihan para mabilis na maibalik sa normal ang buhay sa bansa.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maganda sana kung maisasama ang takeover provision sa panukalang batas para matugunan ang mga problema kung lalala pa ang sitwasyon.

"The proposed temporary take-over provision, though authorized under Article XII, Sec. 17 of the Constitution, is meant to address the most extreme situation. It is prudent to have it in the bill now, rather than be caught unprepared should things suddenly deteriorate, god forbid," ani Guevarra.

Nitong Lunes, umabot na sa 462 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Umakyat naman sa 33 ang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.