Pagawaan ng pekeng alcohol sinalakay sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 05:28 PM | Updated as of Mar 23 2020 06:03 PM

(UPDATE) Dalawang tao ang naaresto sa pagsalakay ng mga awtoridad ngayong Lunes sa isa umanong pagawaan ng pekeng alcohol sa Tondo, Maynila.

Kabilang sa mga naaresto ang operator na kinilalang si Robert Tiu Ten, isang Chinese national, at ang isa pang empleyado ng establisimyento, ayon kay Lt. Col. Cristopher Navida, commander ng Raxabago Police Station.

Ikinasa umano ng mga tauhan ng Manila Police District at Manila City Hall ang operasyon sa naturang establisimyento matapos makatanggap ng reklamo ang mga pulis mula sa mga tauhan ng Barangay 133 kaugnay sa ilegal na paggawa ng mga pekeng alcohol.

Walang business permit ang nasabing establisimyento at ang mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng alcohol ay hindi aprubado ng Food and Drug Administration, sabi sa ABS-CBN News ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Police Maj. Britz Estadilla.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.

Natuklasan ang operasyon sa warehouse sa harap ng malaking demand o pangangailangan para sa mga alcohol bunsod ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon naman kay NCRPO Director Maj. Gen. Debold Sinas, dismayado siya dahil may mga nagtatangkang manamantala sa gitna ng krisis sa COVID-19.

"We call for the vigilance of the public. Be extra careful with the fake items that are being sold," ani Sinas sa isang pahayag.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.