Namatay na PUI sa Palawan, negatibo sa COVID-19 test

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 09:17 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Lumabas na nitong Lunes ang resulta ng patient under investigation (PUI) sa Palawan na namatay noong Marso 17.

Ayon sa isinagawang test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Department of Health (DOH), negatibo ang pasyente sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Yung ating sumakabilang buhay na verified local na taga ibang munisipyo, dumating na po yung kanyang result at negative na rin po siya," pahayag ni Richard Ligad, Puerto Princesa City information officer.

Ilang mga PUI din ang nag-negatibo ang resulta.

Base sa isinasagawang monitoring ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa, nitong Lunes ng hapon ay may 58 na patient under investigation sa Palawan.

Nasa 512 naman ang person under monitoring.

Samantala, nakapagsagawa naman ng contact tracing ang lungsod ng Puerto Princesa sa ilang taong nakasalamuha ng isang dayuhan na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa Puerto Princesa City Health Office, maayos naman ang lagay nilang lahat.

"Lahat naman po sila as of today, March 23 ay maayos naman po ang kanilang mga pakiramdam wala po silang mga sintomas. Maayos naman ang mga pakiramdam nila inaayos na lang natin yung mga susunod na araw. Kasi mula ngayon ay continuous ang monitoring ng taga City Health sa kanila," paliwanag ni Ligad.

Patuloy na paalala ng mga awtoridad na upang maiwasan na mahawaan ng COVID-19 ay ang istriktong pagsunod sa enhanced community quarantine. 

Manatili lang sa bahay kung hindi kinakailangan lumabas. Palaging maghugas ng kamay, kumain ng masustansya, magkaroon ng sapat na tulog, magpalakas ng resistensya at umiwas sa mga tao na may sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.