Mga taga-Ilocos Sur dumidiskarte sa gitna ng Luzon quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 03:36 PM

MAYNILA — Kani-kanilang paraan ang mga residente sa Ilocos Sur na hindi makalabas ng bahay sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang ibang malapit sa bundok, ilang oras naghahanap ng puno kung saan may mga abuos o itlog ng malalaking langgam na gagawin nilang pang-ulam.

May nanghihingi na rin ng bunga ng patani sa kapitbahay

Binabalatan na rin ang pinatuyong buto ng kardis o pigeon pea. 

Ang mga nakatira sa tabing dagat, nangunguha naman ng alimango.

Kailangan din daw magmerienda, at dahil panahon ngayon ng makopa ay marami silang nakukuha.

"Dahil hindi na kami makalabas, itong mga tanim na lang namin ang pagkain namin, parang itong makopa maraming vitamin c at masarap pa," ani Mercy Galiste.

Ang isang senior citizen, nanguha ng bunga ng kaniyang puno ng mangga para may natural source daw siya ng vitamin c.

"Ito na ang vitamin c ko kasi hindi naman ako makalabas para bumili. Bawal daw kasi sa aming matatanda," kuwento ni Lolita Tabios.

Sa huling tala, umabot na sa 396 ang bilang nga mga nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, at 33 ang pumanaw. 

Tatagal hanggang Abril 13 ang lockdown sa buong Luzon. 

—Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.