Marikina LGU pinamamadali ang pag-apruba sa kanilang COVID-19 testing center

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 04:01 PM | Updated as of Mar 23 2020 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umapela ang pamahalaang lokal ng Marikina City sa Department of Health (DOH) na bilisan ang pag-apruba sa isang pasilidad sa lungsod na magsisilbing testing center para sa mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

"The DOH should not treat Marikina City as a client for a license-to-operate-a-laboratory such as this," sabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ngayong Lunes kasabay ng pag-inspeksiyon ng mga tauhan ng DOH sa pasilidad.

Ayon kay Teodoro, puwede ring magpa-test sa naturang pasilidad ang mga naninirahan sa mga katabing-lungsod at bayan sa Rizal, kabilang ang Antipolo, San Mateo, at Rodriguez.

Iginiit ni Teodoro mula pa noong nakaraang linggo na handa na ang pasilidad -- na na-develop ng University of the Philippines National Institue for Health -- para matugunan ang kakulangan sa testing para sa COVID-19.

"Malinaw naman na susunod sa lahat ng protocols, lahat ng standards para sa isang clinical laboratory, lalo na ito na isang molecular laboratory," ani Teodoro.

Ayon naman kay Imelda Mateo, kinatawan ng DOH, patuloy pa rin ang assessment o pagsuri kung puwedeng magamit ang laboratoryo para sa COVID-19 testing.

"Within the week po, that's the most we can assure and RITM (Research Institute for Tropical Medicine) is with us," ani Mateo.

Ang RITM ang isa sa nangungunang health facility sa Kamaynilaan na nagsasagawa ng testing para sa COVID-19.

TULONG PARA SA TRICYCLE DRIVERS

Maliban sa testing center, inihayag din ni Teodoro na simula Martes ay mamamahagi na sila ng 10 kilo ng bigas sa mga tricycle driver na na-displace ng enhanced community quarantine.

Ipinatupad ang quarantine, kung saan sinuspende ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan gaya ng mga tricycle, sa buong Luzon bilang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.

Mabibigyan din ng tulong pinansiyal ang mga tricycle driver, ani Teodoro.

Makikipag-ugnayan din ang pamahalaang lokal sa mall owner sa Marikina para mabigyan ng hanggang P5,000 tulong pinansiyal ang displaced mall workers.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.