Inmates sa Quezon gumagawa ng improvised face shields para sa frontliners

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 04:30 PM

Sa unang batch ng kanilang paggawa noong isang linggo, nakagawa na ang mga PDL ng 50 face shield na ipinamahagi sa mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, barangay officials, at ibang frontliners ng Bondoc Peninsula District Hospital. Retrato mula kay SJO3 Adoracion Abella

CATANAUAN, Quezon — Nakiisa ang mga inmate or tinatawag na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa pagtulong na gumawa ng face shields na proteksiyon sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Catanauan, ito ang naisip nilang paraan para makapag-ambag sa laban ng bansa laban sa coronavirus. 

"Kulang-kulang po sila sa mga face shields, mask, alcohol, so ito raw po ay malaking bagay, 'yung mga improvised na ganito kasi po sabi nga po, hindi lang po basta sa kamay 'yung transmission ng COVID-19 so kailangan po matakluban talaga 'yung mukha nila," ani Senior Jail Officer (SJO) 3 Adoracion Abella, assistant warden at nurse ng BJMP-Catanauan.

Gamit ang rubber, garter, gunting, glue gun, glue stick, tape, at galon ng tubig, makagagawa na ng improvised face shield.

"Meron na pong nagte-text sa amin na ibang bayan na kung puwede po ay bigyan din po namin sila at ito po ay meron nang gumagaya sa ibang lugar sa Bicol," ani Abella. 

Sa unang batch ng kanilang paggawa noong isang linggo, nakagawa na ang mga PDL nang 50 face shield na ipinamahagi sa mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, barangay officials, at ibang frontliners ng Bondoc Peninsula District Hospital. 

"Tuwang tuwa po sila dahil nga po kahit sila ay nasa loob, nagkaroon daw po sila ng silbi, nakatulong po sila sa ating mamamayan. Masaya po silang gumagawa habang lahat ay lumalaban, sila po ay nakakatulong," kuwento ni Abella.

Patuloy ang paggawa ng PDLs ng mga protective gear para sa COVID-19 frontliners.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.