COVID-19 cases sa PH pumalo na sa higit 400

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 06:40 PM

MAYNILA — Pumalo na sa higit 400 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas matapos maitala ang 82 bagong kaso, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, nakapagtala sila ngayong Lunes ng 82 bagong kaso. Ito ang pinakamataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa isang araw.

Dahil dito, umabot na sa 462 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Umayat naman sa 33 ang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit matapos bawian ng buhay ang 8 pang pasyente.

Nananatili pa rin sa 18 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling.

Pawang mga lalaking pasyente ang 8 bagong namatay sa sakit. Karamihan sa kanila ay may preexisting health condition gaya ng sakit sa puso, diyabetes, at hypertension.

Mula noong nakaraang linggo, isinailalim ng gobyerno sa lockdown ang Luzon para mapigilan ang pagkalat ng malapulmonyang sakit.

Umabot na sa halos 300,000 ang nahawahan ng COVID-19 sa buong mundo habang 13,000 naman ang namatay na dahil dito.

-- Ulat nina Kristine Sabillo at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.