Biñan isinailalim sa lockdown matapos magtala ng unang COVID-19 case

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 04:26 PM | Updated as of Mar 23 2020 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim sa lockdown simula nitong hatinggabi ng Lunes ang Biñan City, Laguna matapos maitala ang kauna-unahang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

Dahil sa lockdown, naglatag ng maraming checkpoint ang mga awtoridad sa mga daan papasok at palabas ng lungsod.

Bukas ang mga supermarket at palengke pero mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, at alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi lang pinapayagan makabili ang mga residente para mamili.

Namamahagi rin ang pamahalaang lokal ng relief goods.

Ipinagbawal na rin ang dalaw sa mga preso at hindi na nakakapasok ng police stations ang walang suot na face mask.

Ipinatupad ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Isang 58 taong gulang na babae ang unang kaso ng COVID-19 sa Biñan, ayon kay Mayor Arman Dimaguila.

Wala umanong travel history ang pasyente at sinuri noong Marso 16 matapos makitaan ng sintomas.

Isinara na ang subdivision kung saan nakatira ang pasyente at nagsasagawa rin ng pag-disinfect ang mga awtoridad sa lugar.

Sa ngayon, may 30 nang itinuturing na persons under investigation at 230 na persons under monitoring sa lungsod.

Bibili na rin umano ang pamahalaang lokal ng Biñan ng pang-test sa COVID-19 para mapabilis ang pagsuri ng mga posibleng nahawahan ng virus.

Bukod sa isang residente ng Biñan, may isang residente rin ng Santa Rosa City ang nagpositibo sa COVID-19 at ginagamot sa isang ospital sa Biñan. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.