3 bagong kaso ng COVID-19 sa Pangasinan, kinumpirma ng prov'l health office

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 07:53 PM

Tatlong karagdagang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa lalawigan ng Pangasinan, ayon kay Provincial Health Officer Dr. Anna De Guzman ngayong Lunes.

Base sa resulta na inilabas ng DOH, positibo sa COVID-19 swab test ang 2 patient under investigation (PUI) na kasalukuyang naka-confine sa Pangasinan Provincial Hospital.

Sinabi ni De Guzman na parehong nakararanas ng pag-uubo, sipon at lagnat ang dalawang pasyente na parehong taga-Malasiqui, Pangasinan. Ang isa ay 70-anyos na lalake, at 54-anyos na babae naman ang isa.

Kinumpirma rin ni De Guzman na nagpositibo sa COVID-19 ang PUI na isang Filipino-American na taga-Rosales, Pangasinan na nasawi noong March 18.

Dahil dito, agad na ipatutupad ang total lockdown sa mga bayan ng Rosales at Malasiqui simula ngayong alas-8 ng gabi.

“Nagsasagawa na rin tayo ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng ating mga PUIs, sa tulong ng ating mga Barangay Health Emergency Response Team, LGU at Local Health Officer. Kaya nagpapatupad tayo ng lockdown kasi para makontrol natin iyong pagkalat," paliwanag ni De Guzman.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, 18 PUIs ang kasalukuyang naka-admit sa mga ospital sa Pangasinan.

Matatandaang unang naging kaso ng COVID-19 sa Pangasinan ang 77-anyos na doktor na taga-Bayambang, na nasawi noong March 20.

Sa kabuuan, 4 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pangasinan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.