PatrolPH

120 sa QC huli sa paglabag sa community quarantine, safety hours

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 01:31 PM

MAYNILA — Aabot sa 120 tao ang hinuli ng mga pulis mula noong gabi ng Linggo dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine at public safety hours sa Quezon City. 

Galing ang mga nahuli sa 6 na barangay sa lungsod, kabilang ang Batasan Hills, Bagong Silangan, Commonwealth, Holy Spirit, Matandang Balara, at Payatas.

Iba-ibang dahilan ang ibinigay ng mga nahuli sa awtoridad kung bakit nasa labas sila ng bahay.

Ayon kay alyas "Lean," naglalaro siya ng online game at nawalan ng signal sa loob ng bahay kaya siya lumabas.

Nakikipag-inuman naman umano si alyas "Marc" sa kaniyang mga kaibigan kaya nahuli.

Ayon kay Police Maj. Sandie Caparroso, deputy commander ng Batasan Police Station, ilang beses na nilang pinagsabihan ang mga tao na sumunod sa mga patakaran ng quarantine at safety hours.

Hindi na muna kinasuhan ang mga nahuli at pinauwi rin sila dahil hindi na raw sila kasya sa kulungan.

Pero nagbabala ang mga pulis na sakaling mahuli ulit, kakasuhan na umano sila ng resistance and disobedience to a person in authority.

Ipinatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang hakbang laban sa pagkalat ng coronavirus disease. Sa ilalim nito, hinihikayat ang publiko na manatili sa kanilang mga tirahan.

Sa ilalim naman ng public safety hours ng Quezon City, ipinagbabawal ang paglabas ng mga tao mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw. —Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.