Reclamation body: Walang aprubadong reclamation project sa Manila Bay

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 10:15 AM

Maraming naga-apply para sa mga reclamation project sa Manila Bay pero wala pa umanong bagong naaaprubahan sa mga ito, ayon kay Philippine Reclamation Authority (PRA) General Manager and CEO Jan Rubiato. Jekki Pascual, ABS-CBN News


MAYNILA - Wala pang bagong aprubadong reclamation project sa Manila Bay, ayon kay Philippine Reclamation Authority (PRA) General Manager and CEO Jan Rubiato. 

Aminado si Rubiato na maraming reclamation project na nag-apply para sa permit. 

Sa Metro Manila lang, mayroong mahigit 3,000 hektarya ng reclamation plans, pinakamalaki sa lungsod ng Maynila kung saan may higit 1,000 hektarya ang planong mga proyekto. 

Pero giit niya, walang pang aprubadong reclamation project sa kasalukuyang administrasyon. Mayroong ibang may pangunahing permit na, pero marami pang clearance ang kailangan daanan. Hindi rin basta basta ang mag-apruba dahil lahat titiyakin na hindi lumalabag sa batas lalo na sa environmental laws. 

Uminit ang usapin ng mga reclamation project sa Manila Bay matapos umpisahan ng gobyerno ang rehabilitasyon ng baybayin. 

 FREEDOM ISLAND CLEAN-UP DRIVE 

Samantala, nasa 100 empleyado naman ng PRA ang nagsagawa ng clean-up drive sa Las Pinas-Parañaque Critical Habitat and Eco-tourism Area na kilala rin bilang Freedom Island, isang artificial island sa may baybayin din ng Manila Bay. 

Sobrang marumi daw dati dito pero ngayon nalinis na. 

Maliban sa PRA, naglinis rin ang mahigit 300 kasapi ng Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR). Layunin ng mga grupo na makipagtulungan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Regular na nila itong clean-up operation na anila maliban sa pagtulong sa kalikasan ay isa ring physical activity.

Mahalagang malinis ang lugar na ito dahil dito nakatira ang maraming ibon at may mga mangingisda rin.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.