1 patay, 5 arestado sa droga sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 06:53 PM

DAVAO CITY - Isa ang patay habang 5 ang naaresto sa sunod-sunod na buy-bust operation ng pulisya sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

Patay si Ronny Muhamad matapos umanong manlaban. Bumunot umano ito ng baril nang mapansin na pulis pala ang kaniyang ka-transaksiyon.

Nakuha sa crime scene ang .38 revolver na baril at ang isang sachet ng shabu.

Unang nadakip ang delivery van driver na si alyas Roger sa Barangay Maa at nahulihan ng 2 sachet ng shabu na may halagang P100,000.

Ang suspek ay kumukuha umano ng supply sa Cotabato at ibinibenta sa lungsod, ayon sa pulisya.

Nadakip naman sina alyas Noel at alyas Jimmy sa buybust operation sa San Pedro Street. Sila ay nagbebenta umano ng ilegal na droga sa Sta. Ana, Talomo at San Pedro.

Arestado naman ang mag-live-in-partner na sina alyas Joel at alyas Elsa na nahulihan ng 5 sachet ng shabu sa Jacinto Street.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.