Suspek sa online scam, timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 04:36 AM | Updated as of Mar 23 2018 04:37 AM

Arestado sa Tondo, Maynila ang isang lalaki na umano'y sangkot sa online scam.

Ayon kay Chief Insp. Gilbert Cruz, hepe ng Pritil Police Community Precinct, modus operandi ng suspek ang magnakaw ng identity ng mga online seller.

Nakikipagtransaksiyon umano ang lalaki sa mga customer ng mga lehitimong online seller at kinukuha ang pangbayad.

Tinatanggap umano ng suspek ang bayad sa pamamagitan ng isang money remittance service.

Karamihan sa kaniyang nabiktima ay mga estudyanteng bumibili ng mga second-hand cellphone.

Ayon sa isang biktima na may-ari ng isang online shop, aabot na sa P100,000 ang nakuha ng suspek gamit ang kaniyang pangalan.

Lumutang din ang isa pang biktima na inutangan umano ng suspek gamit ang pekeng account ng isang kaklase.

Aminado naman ang suspek na sangkot siya sa ilegal na gawain.

Nagawa lang daw niya ito dahil sa pangangailangan pero itinigil na raw niya ito. Dati na siyang sumuko sa Oplan Tokhang.

Mahaharap ang suspek sa kasong estafa at identity theft. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.