PNP, naghahanap ng mga IT expert, abogado, pari

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 08:45 PM

May higit 200 trabaho ang inaalok ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Naghahanap ang ahensiya ng mga information technology (IT) expert, doktor, abogado, dentista, at mga pari.

Sa PNP Information Technology Management Service o ITMS, 18 na posisyon ang bakante para sa lateral entry program.

Kailangan ay nakapagtapos sa kursong may kaugnayan sa IT, 21 hanggang 30 anyos kapag sibilyan, at may tatlong taon na experience bilang IT specialist. 

May pagdadaanan ding fitness test.

Kapag natanggap, P40,000 ang pinakamaliit na sahod at may ranggo na police inspector.

Bukod sa mga IT expert, naghahanap din ang PNP nang 23 medical officers, 17 na pari, 38 na dentista, 43 na psychometrician, at 10 na forensic chemical officer.

Naghahanap din sila ng mga pastor, psychologist, at medicolegal officer.

Sa kabuuan, may higit 200 bakanteng posisyon ngayon sa PNP.

Nito lang Marso, nanumpa bilang police commission officers ang nasa 18 abogado, pari, at pastor na nag-apply sa lateral entry program.
 
Para sa karagdagang detalye tungkol sa recruitment at ibang requirements, maaaring bumisita sa Facebook page ng Directorate for Personnel and Records Management ng PNP.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.