Istasyon ng pulis sa Maguindanao, pinasabugan

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 05:27 PM

Tatlong bala ng M79 mula sa grenade launcher ang sumabog sa Datu Salibo Municipal Police Station, Marso 21, 2018. Swerteng walang nasugatan o nasawi sa insidente. Ito na umano ang ika-limang beses na inatake ang istasyon ng pulis simula Disyembre 2017. Jasper Acosta, ABS-CBN News

DATU SALIBO, Maguindanao – Tatlong magkakasunod na pagsabog mula sa grenade launcher ang tumama sa istasyon ng pulisya, Miyerkoles ng gabi.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa pagsabog na mula sa tatlong bala ng M-79 grenade launcher.

Naganap ito habang katatapos lamang maghapunan ng mga pulis. 

Tinamaan ang pader at bubong ng police compound at maging ang personal na sasakyan ng isang pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis sa mga armadong nang-harass sa kanilang istasyon na humantong sa halos 40-minutong palitan ng putok.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Maguindanao Police Provincial Office na isang Commander Boy Native ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang umano'y nasa likod ng pangha-harass sa police station.

Ito umano ay bilang paghihiganti ng BIFF sa awtoridad matapos ang isinagawang law enforcement operation ng militar laban sa armadong grupo nitong nagdaang linggo kung saan umabot umano sa mahigit 40 miyembro ng BIFF ang nasawi.

“Kagagawan ito ng grupo ni Commander Native ng BIFF. Kasi ang police station ay malapit sa kalsada kaya madalas itong hina-harass. Ito marahil ay paghihiganti ng BIFF sa law enforcers,” sabi ni Maguindananao Police Provincial Director, Senior Superintendent Agustin Tello.

Sa panayam ng news team kay Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, hindi umano kagagawan ng grupo nila ang pag aatake sa police station.

Pero inamin nito na miyembro nila si Commander Boy Native na sinasabi ng pulisya na responsable sa pag-atake sa police station.

“Wala po kaming information about the harassment. Siguro napagbintangan lang ang grupo ni Commander Boy Native,” sabi niya.

Mula buwan ng Disyembre 2017 hanggang sa kasalukuyan, ito na ang ika-limang beses na inatake ng armado grupo ang Datu Salibo Maguindanao Municipal Police Station pero wala namang naiulat na namatay o nasugatan sa naturang mga insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.