Ilang residente, nagreklamo sa mas mahabang Earth Hour sa Puerto Princesa

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 03:46 PM | Updated as of Dec 16 2018 12:20 PM

PUERTO PRINCESA - Kinuwestiyon ng ilang residente ang mas mahabang pagkawala ng kuryente dito sa lungsod sa Sabado, bilang bahagi ng taunang Earth Hour.

Ang Earth Hour ay isang pandaigdigang kampanya upang pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw sa loob ng isang oras.

Sa ilalim ng programa na nagsimula pa noong 2007, tuwing huling Sabado ng Marso ay magpapatay ng ilaw sa loob ng isang oras ang mga gustong makilahok.

Ngunit sa lumabas na schedule ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), aabot sa halos 2 oras ang pagkawala ng kuryente dahil papatayin nila ang suplay ng kuryente mula alas-8 ng gabi hanggang 9:45 ng gabi.

"Hindi kami makakagawa ng tinapay e ang dami pa namang bumibili dito," giit ni Annalyn, tindera ng isang bakery.

"'Yung mga paninda namin sa ref mapapanis," dagdag ni Lilia na nagpapatakbo ng isang karinderya dito sa lungsod.

Paliwanag ng PALECO, mas matagal maibabalik ang suplay ng kuryente dahil hindi nila kayang sabay-sabay buksan ang mga makina na nagsusuplay at nagdi-distribute ng kuryente.

"Hindi kaya ng sabay-sabaya kasi maliliit lang ang mga makina natin, baka mag-collapse ito," ani Marilyn Villegas, hepe ng Education and Development Division ng PALECO.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.