Duque, sinugod ang mga ospital na 'tumanggi' sa naturukan ng Dengvaxia

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 09:02 PM | Updated as of Feb 18 2020 06:24 PM

Watch more in iWantTFC

Sinugod ni Health Secretary Francisco Duque ang apat na ospital sa Cavite na inireklamo dahil sa pagtaboy umano sa isang batang naturukan ng Dengvaxia.

Nag-init ang ulo ng kalihim nang marinig ang paliwanag ng mga opisyal ng Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital. 

Hindi pala puno ang ospital pero wala lang umanong bakanteng kuwarto noon para sa kaso ng bata na kinilalang si Riceza Salgo.

"Hindi ba kayo puwedeng gumamit ng ibang kama? Ito ang problema, para kayong umasta, para kayong isang private hospital, government hospital kayo, you find a way... You must find a way," sinabi ni Duque sa mga ospital.

Lalo pang nasabon ang mga opisyal nang aminin na desisyon pala ng residenteng doktor sa E.R. na huwag i-admit ang pasyente.

"Gagawa kami ng clear procedures para hindi na maulit itong mga ganito," ayon naman kay Dr. Gilberto Ilog, hospital chief ng Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital.

Padadalhan na ng show cause letter ng Department of Health ang mga ospital para pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat masampahan ng mga kaso at matanggalan ng license to operate.

Samantala, isa pa umanong ospital ang hindi tumanggap ng pasyenteng naturukan ng Dengvaxia.

Ayon kay Fausta Gasilla, itinaboy umano ng East Avenue Medical Center ang kaniyang anak na si Christine Joy dahil hindi nagpapa-check-up doon ang bata at walang available na doktor.

Noong Hunyo 2016 naturukan ng Dengvaxia si Christine Joy.

Hindi na nasundan ang bakuna pero nakaranas ang bata ng pabalik-balik na lagnat, pananakit ng ulo, tiyan at kasu-kasuan, at pagsusuka. 

Lumala pa ito hanggang sa pumanaw ang bata noong Marso 15.

Base sa death certificate, leukemia ang ikinamatay ni Christine Joy kaya ipinasuri ni Gasilla sa Public Attorney's Office (PAO) Forensic Team ang anak.

"'Yung pagdurugo na nakita din namin doon sa utak at saka doon sa lungs, 'yun 'yung tinitignan naming possible na ikinamatay," ani Dr. Alexis Angelo Sulit, medicolegal officer ng PAO Forensic Team.

Ayon sa East Avenue Medical Center, bumuo na sila ng fact-finding committee para imbestigahan ang reklamo at mapanagot ang may sala.

Hindi naman tinanggap ni Duque ang dahilan ng ospital sa pagtanggi sa batang naturukan ng bakuna kontra dengue.

--Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.